Huwebes, Oktubre 13, 2016

Kahalagahan ng wikang pambansa para sa pambansang kaunlaran

Wikang Pambansa: Wika ng Kaunlaran

 

  Ano nga ba ang kahalagahan ng wikang pambasa? Nakakatulong nga ba ito sa pagkamit ng kaunlaran ng bansa? May mga epekto nga ba itong dulot sa mga mamamayan? Wala pa itong kasiguraduhan hangga't walang nangyayari at atin itong nakikita. Marahil kailangang muna natin itong tukuyin kung may epekto nga ba ito o wala, may kaunlaran nga ba ditong magaganap o wala.

  

 Ang wikang pambasa ay ating kayamanan. Bakit? Dahil ito ay nagbibigay ng daan para sa pagkakaisa ng bawat mamamayan at nagbibigay tulong sa pag-unlad sa iba't ibang aspeto sa isang bansa. Tama naman diba? Pero ang tanong, paano naman ang sariling wika? bakit nga ba ito mahalaga?

 

  Mahalaga iyon at kinakailangan din ng isang bansa sapagkat ito ang ginagamit sa pakipagtalastasan at pakikipag-ugnayan ng bawat mamamayan. Ang ekonomiya ay hindi lalago o uunlad kung ang mga tao ay hindi nagkakaisa at nagkakaintindihan. Sino nga ba kasing hindi magkakaisa dun eh hindi mo nga maintindihan? Ang wika kasi ng isang bansa ay masasabing siyang kaluluwa na nagbibigay buhay dito. Ito ay nagsisislbing tulay na nagdurugtong sa mga komunidad na naninirahan sa isang bansa. Kaya't sa pamamagitan ng wika, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang bawat tao. Higit sa lahat, nagsisilbi ito bilang ating pagkakakilanlan. Dahil dito ay nakikita ang iba't ibang impluwensya sa bansa na siyang nagpabago at humulma sa pagkatao ng mga mamamayan. Sa makatuwid, ang wika ay batayan ng natatanging kultura ng isang bansa.

 

 Ngunit nasating mga kamay kung paano ito puspusang mapauunlad at mapapanatili ang kaayusan nito. Subalit kung minsan ay labis nating nakalimutan ang ating pambansang wika, mas minatamis nating magsalita ng ingles sa pagkakataong maaari naman tayong magtagalog. Hindi ako tumututol, ikinararangal ko na tayong mga Pilipino ay may angking kagalingan sa pagbigkas ng ibang wika. Ngunit nais kong ipabatid na hindi masamang umunlad at sumabay sa yumayabong na kasaysayan. Pero hindi ba’t masarap na habang nagtatagumpay tayo, ang ipinabandila natin ay ang sarili nating wika. Hindi ba masarap na nakikilala tayong mga Pilipino hindi lang sa talento kundi maging sa kultura? Karamihan sa ating mga Pilipino ay ganito ang kagawian. Mas pinapahalagahan pa nila ang ibang wika kaysa gamitin ang kanilang sariling wika.

 

 Sana lamang ay tandaan natin ito, taga Pilipinas tayo, tayo ay mga Pilipino! Kung hindi natin gagamitin, pagyayamanin at pahahalagahan ang sarili nating wika, sino pa ang magpapahalaga dito? Wala ba tayong utang na loob sa sarili nating wika na pagkatapos nating gamitin sa loob ng ating mga tahanan ay siya na lamang natin babalewalain dahil sa pagbabago ng panahon? Huwag naman din sana natin hayaang mawalan ng saysay ang pagpupursigi ng dati nating pangulo na si Manuel Quezon na gawing Pambansang wika ang Filipino. Isa lamang itong paalala, “Wika mo. Wikang Filipino. Wika ng Mundo. Mahalaga!”

   

 Ating ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng wikang pambasa para sa kaunlaran na rin ng ating bansa.

7 komento: